Nagsanib-puwersa ang Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation para tugisin ang nasa likod ng sunud-sunod na bomb threat na napaulat na natanggap ng ilang ahensya ng pamahalaan kahapon, Pebrero 12, 2024.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kasalukuyan nang nagsasagawa ng berepikasyon ngayon ang kanilang kawanihan hinggil sa totoong pagkakakilanlan ng nagpakilalang Takahiro Karasawa na isang Japanese lawyer na sinasabing nagpadala ng mga bomb threat via email sa ilang mga ahensya ng ating pamahalaan.
Batay kasi sa listahan ng Bureau of Immigration, lumalabas na mayroong apat na indibidwal ang nagmatch o kapareho ng naturang pangalan ngunit wala ni isa sa mga ito ang kasalukuyang nandito ngayon sa Pilipinas.
Ayon kay Tansingco, hindi binabasta-basta o binabalewala ng gobyerno ang usaping ito.
Samantala, kasabay nit ay nagbabala rin ang opisyal na mayroong kaakibat na kaparusahan sa batas ang sinumang mapapatunayang nasa likod ng anumang uri ng banta sa seguridad sa ating bansa.