CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 2 ang kaligtasan ng mga lugar kung saan nagbebenta ng mga paputok.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Fire Chief Inspector Franklin Tabingo, Chief ng Operations Division ng BFP Region 2 na bago mag-pasko ay mas hinigpitan nila ang monitoring katuwang ang mga LGUs at PNP sa pagbebenta ng mga paputok sa rehiyon.
Tinitiyak nila na sumusunod sa mga panuntunan ang mga nagbebenta ng paputok at ligtas ang lugar kung saan sila nagbebenta.
Tinitiyak din nila na may mga reserbang tubig sa puwesto ng mga nagbebenta ng paputok.
Batay sa kanilang monitoring may ilang hindi sumunod sa safety measures tulad ng pagkakaroon ng fire extinguisher.
Nag-iikot din ngayon ang mga opisyal ng BFP Region 2 sa iba’t ibang tanggapan ng BFP sa rehiyon upang matiyak ang kahandaan ng kanilang mga personnel at fire fighting equipment para sa pagsalubong ng bagong taon.