Hindi nagpatinag sa banta ng Chinese maritime vessels, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pamamahagi ng tulong sa mga Filipinong mangingisda sa bahagi ng Bajo de Masinloc sa Zambales.
Ayon kay BFAR Spokesman Naz Briguera, naging matagumpay ang isinagawang pamamahagi ng tulong at provisions sa mga mangingisda.
Natanggap ng mga Filipinong mangingisda ang nasa 14,000 liters ng diesel fuel, 50 liters ng motor oil at iba pang mga tulong sa 21 commercial fishing boat na nanduon sa lugar.
“Unang-una, hindi po dapat itinataboy ang barko ng Pilipinas sa katubigang legal na pag-aari ng bansa. Sa kabila po ng mga hamon, matagumpay po ang ginawang paglalayag ng BRP Tamblot at ang mga gawain nito ay ayon sa isinasaad ng ating batas at sumasakop na pandaigdigang batas katulad po ng UNCLOS,” wika ni Briguera.
Binigyang-diin din ni Briguera na ang isinagawang resupply mission ng BFAR at Philippine Coast Guard sa mga Filipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc o kilalang Scarborough Shoal ay nakahanay sa pangitain o vision ng ” Bagong Pilipinas” ni Pang. Ferdinand Marcos Jr upang matiyak ang food security sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing kampanya, nais ni Pang. Marcos na ang mga Filipinong mangingisda ay malaya at
napapanatiling mapakinabangan ang mga mapagkukunan sa loob ng tubig ng Pilipinas
“Katulad po ng nabanggit din sa pahayag ng National Security Council, wala pong katotohanan doon sa balitang naitaboy ng mga banyagang barko ng Tsina ang BRP Tamblot sa Bajo de Masinloc na lumaot upang magbigay po ng suporta sa mga mangingisdang kasalukuyang nangingisda sa lugar,” pahayag ni Briguera.