CAGAYAN DE ORO CITY – Bumuhos ang maraming kaibigan at political allies ng pamilya Pimentel sa naganap na misa sa loob ng City Tourism Hall kanina.

Halos hindi mahulugang karayom ang venue dahil sa pagsidatingan ng mga supporters ng namayapang si dating Senate president at dating Cagayan de Oro city Mayor Aquilino “Tatay Nene” Pimentel Jr.

Karamihan sa kanila ay taga-Camiguin, Bukidnon, at Iligan City.

Kapansin-pansin din ang presensya ng ilang foreign media na nagco-cover sa venue.

Samantala, hindi napigilan ni Ginoong Raul Sabuero na maiyak nang makitang nasa loob ng kabaong ang kanyang dating amo at best friend.

Ibinahagi ni Ginoong Sabuero sa Bombo Radyo, ang aklat ukol sa Pederalismo na ibinigay sa kanya ni Tatay Nene.

Makikita sa aklat ang pirma at dedication ni Tatay Nene para kay Ginoong Sabuero.

Hindi niya malilimutan ang habilin sa kanya ng “ama ng Local Government Code” kung saan iginiit na dapat niyang pag-aralan ng mabuti ang aklat na ibinigay sa kanya.