Bumaba umano ang bilang nga ibinebentang subscriber identity module o SIM cards sa merkado kasabay na rin ng pagpapatupad ng mandatory SIM card registration law.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan Uy, mula raw nang ianunsiyo ang pagpaparehistro ng SIM card ay unti-unti nang bumaba ang bentahan nito sa merkado.
Karaniwan daw kasing ginagamit ang SIM Card ng mga scammers at mga sindikato na bumibili ng maraming SIM cards para sa kanilang modus.
Pero inaasahan na raw ito ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Mas kakaunti na rin daw ang mga SIM card na ibebenta sa merkado sa sandaling magtapos ang SIM registration period.
Ang implementing rules and regulation (IRR) ng SIM Card Registration Act ay naging epektibo noong December 27 na nagmamandato sa public telecommunications entities (PTEs) na mag-establish ng kanilang sariling registration platform.
Mayroon namang 180 days ang mga users para irehistro ang kanilang mga SIM cards.
Deactivation naman ng SIM Cards ng mga users ang sasapitin ng mga bigong magparehistro ng SIM Cards.