Nasa desisyon na ng kooperatiba kung hanggang kailan tatagal ang bentahan ng P150 na kada kilong sibuyas sa ADC Kadiwa Stores.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista, hindi na subsidized ang ibinibentang sibuyas sa naturang Kadiwa kaya nakadepende na sa farmer cooperatives kung hanggang kailan ito makakapagsuplay ng murang sibuyas.
Wala na rin aniyang kontrol ang DA sa itinatakdang presyo ng mga nagtitinda sa Kadiwa Store.
Sa ngayon ay may mabibili aniyang lokal na pulang sibuyas sa ilang Kadiwa store sa halagang P150 hanggang P170 kada kilo, habang ang puting sibuyas naman sa ADC Kadiwa Store ay ibinebenta rin ng P150 kada kilo.
Kasunod nito, tiniyak naman ni Asec. Evangelista na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Food Terminal Incorporated (FTI) para sa second cycle ng pagbili at paghanap ng mga kooperatiba na maaring magbenta ng sibuyas.