Isinailalim sa pansamantalang pagsasara ang ilang pangunahing eco-tourism at trekking sites sa Itogon, Benguet matapos tumaas ang bilang ng forest fires sa lugar, na lumampas na sa naitalang kaso noong nakaraang taon.
Sa bisa ng Executive Order No. 21, series of 2026, ipinag-utos ni Itogon Mayor Bernard Waclin ang temporary closure ng mga bundok at eco-tourism destinations dahil sa patuloy na sunog na pinalalala ng matinding init at tuyong panahon.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Ave Maria, Mount Bidawan, Mount Cotcot, Mount Pigingan, Mount Ulap, at Mount Ugo. Sa mga nasabing lugar, ipinagbabawal muna ang trekking, camping, fun runs, at iba pang katulad na aktibidad hanggang sa may bagong abiso.
Epektibo ang kautusan mula Abril 20, matapos itong lagdaan.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Itogon, umabot na sa 26 ang fire incidents sa bayan ngayong taon. Isa sa pinakahuli ay sunog sa Barangay Ampucao na tumupok ng humigit-kumulang 17 ektarya bago ideklarang kontrolado noong Abril 10. Nauna rito, may sunog din na tumupok ng 1.5 ektarya noong Pebrero sa parehong barangay.
Pinakamalaki naman sa taong ito ang sunog na umabot ng tinatayang 80 ektarya sa loob ng Philex Mining Corporation area mula Marso 12 hanggang 14.
Batay sa datos ng BFP Cordillera Administrative Region, umabot na sa 38 ang forest fires sa Benguet mula Enero hanggang Abril 7—mas mataas kumpara sa 14 na kaso sa buong 2025.










