-- Advertisements --

Lumaki pa ang pag-asa ng mga pamilya ng mga drug war victim na kukumpirmahin ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos tanggihan ng ICC Appeals Chamber ang inihaing apela ng dating Pangulo laban sa naunang pasya na nagbasura sa kaniyang pagkwestyon sa hurisdiksiyon ng korte.

Ayon sa isa sa common legal representatives na si Atty. Gilbert Andres, hindi nagawang sagutin ng defense team ng dating Pangulo ang mga argumento ng prosekusyon gayundin ang mga kinatawan ng mga biktima.

Sakali man aniya na kumpirmahin ang mga kaso, sinabi ni Atty. Andres na magsisimula ang trial sa susunod na taon base sa kanilang pagtaya.

Aniya, mayroong hanggang sa susunod na linggo o sa Abril 30 ang Pre-trial Chamber para magpasya sa mga kaso ng dating pangulo.

Maaari aniyang magtagal ng anim na buwan hanggang sa isa’t kalahating taon o hanggang sa Oktubre ng susunod na taon para sa preparation stage para sa trial.