-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Justice ang publiko na makiisa sa kanilang paglaban kontra sa pagkalat ng maling impormasyon o ‘fake news’.

Sa panayam kay Justice Secretary Fredderick A. Vida, kanyang hiling sa taumbayan na tumulong sa kanilang isinusulong mga insyatibo upang mabantayan ang mga kumakalat na hindi totoong impormasyon.

Naniniwala ang kalihim na marahil ang layon ng mga ito sa pagpapakalat ng ‘fake news’ ay lituhin lamang ang atensyon ng publiko.

Habang ikinalungkot naman aniya ang paggamit at pagtutok maigi ng ilang ‘vloggers’ sa mga negatibong balita sa bansa na siyang agad na nakakakuha ng atensyon lalo na sa online.

Dagdag pa ni Justice Secretary Vida na tinitingnan rin nila rito ang paggamit ng ilang ‘vloggers’ sa mga negatibong balita para lamang magkaroon ng mas maraming followers na siyang pinagkakakitaan pa umano ng pera.

Kung kaya’t hiling ng kalihim sa publiko na ibaling ang atensyon sa positibo kaysa mga negatibong balita sa bansa.

Alinsunod ang pahayag matapos magsumite ng ‘referral’ ang Presidential Communications Office para mapaimbestigahan ang mga pasimuno sa pagpapakalat ng ‘fake news’ ukol sa kalusugan ng pangulo.

Kaugnay nito’y giit ng civic-society groups na dapat managot ang mga nasa likod sa naturang maling gawain pagpapakalat ng disimpormasyon.

Naniniwala si Jose Antonio Goitia, chairman emeritus ng Filipinos Do Not Yield Movement at iba pang grupo na nais lamang ng mga nagpapakalat ng ‘fake news’ iligaw ang atensyon ng publiko.

Aniya’y hindi ito nagkataon lamang kundi malinaw na may layon guluhin at isulong ang pagkakaroon ng dibisyon sa bansa pati maiba ang pokus mula sa mahahalagang isyu.

Nakakabahala raw ang ganitong mga aksyon sapagkat napatunayan ng malusog at nasa maayos na pangangatawan si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Kaya nama’y ang sinuman aniyang sadyang nagpapakakat ng ‘fake news’ ay nararapat panagutin sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act at ng Revised Penal Code.

Hinimok din ang publiko na huwag agaran maniniwala sa mga nakikita online at ugaliing suriin muna ang impormasyon bago ibahagi sa iba.