Pinahintulutan ng International Criminal Court (ICC) ang 539 umanong biktima ng kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte na makilahok sa mga pagdinig kaugnay ng kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo.
Sa inilabas na Q&A ng ICC, sinabi ng korte na ang mga kalahok ay kinabibilangan ng mga pamilya ng mga nasawi sa anti-drug campaign. Itinalaga rin ng mga hukom sina Atty. Joel Butuyan at Atty. Gilbert Andres, kasama si Atty. Paolina Massidda, upang magsilbing iisang grupo ng legal na kinatawan ng mga biktima.
Nitong Abril 23, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang tatlong charges laban kay Duterte na may kaugnayan sa mga pagpatay noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo. Kabilang sa mga kinilalang biktima sa kaso ang 17-anyos na si Kian delos Santos.
Inaasahan namang haharap si Duterte sa paglilitis alinsunod sa Article 63 ng Rome Statute, na nag-aatas na dapat naroroon ang akusado sa trial.
Samantala, tinawag ng ICC Office of the Prosecutor ang pagkumpirma ng mga charges bilang isang “significant milestone ” tungo sa pananagutan para sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings.
Iginiit din nito na patuloy nilang isusulong ang hustisya at titiyakin ang agarang pananagutan.
Magugunita na noong Abril 22, pinagtibay naman ng Appeals Chamber ng ICC ang hurisdiksyon ng korte sa kaso, sa kabila ng pagtutol ng kampo ng dating pangulo na nakabatay sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Ikinatuwa naman ng Amnesty International sa Pilipinas ang naging desisyon, at tinawag itong matagal nang hinihintay para sa hustisya ng mga biktima. Ayon kay Ritz Lee Santos III, isa itong “a historic moment” na nagpapakita na maaaring managot ang “widespread and systematic murder as a crime against humanity.”
Dagdag pa niya, ipinapakita rin ng kaso ang lawak ng mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga at ang umano’y kakulangan ng mga lokal na institusyon upang mapanagot ang mga responsable.















