Tiniyak ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na tuloy-tuloy ang benepisyo ng mga bayaning beterano, kahit anong quarantine classification pa ang umiiral sa bansa.
Ayon kay PVAO administrator Usec. Ernesto Carolina sa panayam ng Bombo Radyo, gumawa sila ng mobile applications para makikita at makukumusta ang mga beterano kahit hindi personal na nakakapunta sa kanilang opisina.
Dati kasi ay obligado ang mga ito na maglabas ng “proof of life,” bago mai-release ang pensyon at iba pang tulong, para matiyak na napupunta ang biyaya sa tamang benepisaryo.
Nabatid na may sapat ding pondo para sa mga programa ng PVAO dahil may mga property silang napagkukunan, maliban pa sa ipinagkakaloob ng gobyerno.
Sa pagtaya ni Carolina, nasa 4,000 pa ang nabubuhay na World war II veterans, maliban pa sa mga retiradong sundalo na ikinokonsidera na rin bilang beterano.
“Marami pa tayong mga beterano. ‘Yung iba nga 90 hanggang 100 ang edad. Regular natin silang kinukumusta sa video at iba pang paraan, para malaman ang kanilang kalagayan,” wika ni Carolina.










