Nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Lebanese security forces at mga raliyista sa lungsod ng Beirut, ilang araw matapos ang naganap na pagsabog sa nasabing lugar.
Ang nararamdamng galit ng mga ito ay bunsod na rin sa nangyaring trahedya na kumitil sa buhay ng 137 tao at nag-iwan naman ng halos 5,000 sugatan.
Ayon sa mga raliyista, malaki umano ang responsibilidad ng gobyerno sa insidente dahil pinabayaan lang daw ng mga ito na iimbak ang mapanganib na ammonium nitrate sa isang warehouse na walang kahit anong safety precautions.
Pinagbabato ang mga demonstrador ng tear gas na nagkumpulan sa tapat ng Lebanese parliament.
Ayon sa news agency ng bansa, 16 na indibidwal ang ikinulong upang isailalim sa imbestigasyon.
Simula nang mangyari ang trahedya ay dalawang opisyal na ang nagbitiw sa pwesto. Una na rito si MP Marwan Hamadeh, na sinundan naman ni Lebanon ambassador to Jordan na si Tracy Chamoun. Anila, kinakailangan na raw ng bagong namumuno sa Lebanon upang hindi na maulit ang insidente.