-- Advertisements --

Lusot na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na gagawad ng “emergency powers” kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa laban ng pamahalaan kontra COVID-19.

Sa botong 284 na YES, 9 na No, at 0 na ABSTAIN, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6616 o Bayanihan to Heal As One Act na nagtatakda nang deklarasyon ng national emergency sa buong bansa.

Nakasaad sa panukala na alinsunod sa Article VI, Section 23 (2) ng Saligang Batas, sa pamamagitan nang basbas ng Kongreso, pinapahintulutan ang Pangulo na gamitin ang emergency power tuwing may national emergency.

Sa ilalim ng panukala, alinsunod sa Section 17, Article XII ng Konstitusyon, kapag kakailanganin ng publiko, maaring pangasiwaan ng Pangulo ang operasyon ng alinmang privately-owned hospitals at medical at health facilities kabilang na ang mga passenger vessels, at iba pang establishments, para gamitin bilang pansamantalang tirahan ng mga health wokers, magsilbing quarantine areas at cenrers, medical relief at aid distribution locations, o maging pansmaantalang medical facilities.

Binibigyan din ng kapangyarihan ang punong ehekutibo para pangasiwaan ang public transportation para gamitin ng mga health, emergency, at frontline personnel.

Subalit mananatili pa rin naman sa may-ari ng mga establisiyemento ang management at operation ng kanilang negosyo, pero kailangan magsumite ng full accounting sa Pangulo o sa kinatawan nito ng kanilang mga nagastos para sa matatanggap na kompensasyon.

Sa oras naman na tumanggi o sabihin na hindi na kayang mag-operate ng mga establisiyemento, maaring mag-take over ang Pangulo sa kanilang operation pero subject pa rin sa limitasyon at safeguards na itinatakda ng Saligang Batas.

Kapag maging ganap na batas, padadaliin din ang pagbili sa mga kakailanganin na kagamitan kontra COVID-19 tulad ng mga medical supplies and equipments at mga pagkain na ipamamahagi sa mga apektadong komunidad dahil hindi na dadaan ang mga ito sa procurement process na isinasaad ng Republic Act No. 9184 o ang “Government Procurement Reform Act.” 

Sakop din ng probisyon na ito ang ibabayada sa apg-upa sa mga pasilidad na gagamitin bilang pansmantalang tirahan ng mga health workers o nagtatrabaho sa mga quarantine centers at medical relief at aid distribution locations.

Nakasaad din sa panukala na maari ring ipahinto ng pangulo ang mga appropriated programs, projects o activities ng anumang ahensya na sakop ng Executive Department, kabilang na ang mga government-owned or -controlled corporations (GOCC) na nakapaloob sa Fiscal Years 2019 at 2020 General Appropriations Act.

Ang mga savings na makukuha rito, pati na rin ang mga untilized o unreleased balance sa isang special purpose fund, ay gagamitin para sa mga hakbang na gagawin na may kauganayan sa COVID-19 response.

Ibig sabihin, ginagawaran din ng kapangyarihan ang Presidente para mag-reallocate at mag-realign ng pondo mula savings sa ibang mga appropriated items sa Executive Department sa ilalim naman ng FY 2020 GAA.

Pinatitiyak din ng House Bill 6616 na sinusunod ng lahat ng mga Local Government Units ang ipinapatupad na regulasyon at polisiya ng National Government sa paglaban sa covid-19.

Nakasaad din dito na maaring kunin ang serbisyo ng Philippine Red Cross, at pagkuha nang temporary human resources for health partikular ang mga medical at allied medical staff upang maging karagdagang health workforce na maaring italaga sa mga itatayong temporary health facilities kung saan tatanggap ang mga ito ng karampatang suweldo, allowance at hazard pay mula sa pamahalaan.

Ang mga bangko financial instututions, lending companies gayundin ang Pag-Ibig Fund, Social Security System, at Government Service Insurance Social Security System maging ang mga nagpaparenta sa mga residential units ay inaatasan din ng panukala na na magbigay ng 30-araw na grace period sa mga may pagkakautang kung ang due date ng mga ito ay papatak simula March 16, 2020 hanggang April 15, 2020 ng walang anumang interest, penalties, charges at iba pang bayarin.

Samantala, inoobliga naman ang Pangulo na magsumite ng weekly report hinggil sa pagpapatupad o paggamit nito ng kanyang emergency powers sa Joint Congressional Oversight Committee.

Sinuman ang magmamalabis o lalabag sa itinatakda ng panukalang ito ay paparusahan nang pagkakabilanggo ng dalawang buwan o multa na hindi bababa sa P10,000 pero hindi naman lalagpas sa P1 million, o parehas na pagkakakulong at multa dipende sa pasya ng korte.

Tatagal lamang ang bisa ng panukala kapag naging ganap na batas sa loob ng tatlong buwan o maaring palawigin ng Kongreso pero maari ring bawiin nang mas maaga sa pamamagitan lamang ng concurrent resolutio ng Kongreso o Presidential Proclamation.