GENERAL SANTOS CITY – Ipinagmalaki ni Bombo International correspondent Edgardo Franco, 55, mula Milan, Italy na nagdadamayan ngayon ang Filipino community sa harap ng COVID-19 crisis sa nasabing bansa.

Ayon dito, ilang OFW sa Milan ang nangangalap ng pondo para tumulong sa mga Pinoy na nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus pandemic.

Tinulungan din ng mga OFW ang mga Italyano na apektado ng ipinatupad na lockdown.

Dagdag pa ni Franco, na siyang presidente ng United Ilonggos in Milan, mahigpit na ipinapatupad sa Italy ang social distancing sa kahit saang lugar.

Aniya isang myembro lang ng bawat pamilya ang may hawak ng pass para payagang lumabas ng bahay at bumili ng kanilang mga pagkain at iba pang pangangailangan.

Umaasa naman ito na matatapos na ang lockdown sa Abril kung magpapatuloy ang pagbuti ng sitwasyon sa Italya.