Nakatakdang pagbotohan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa susunod na linggo ang House Bill 9411 o ang proposed P401-billion Bayanihan 3.
Sinabi ito ni House Committee on Economic Affairs chairman Sharon Garin isang araw matapos na aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang itinutlak na ikatlong economic stimulus package ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Garin, kahit wala pang “certificate of availability of funds” mula sa Bureau of Treasury ay itutuloy nila ang botohan sa susunod na linggo para sa Bayanihan 3.
Tiniyak naman ni Garin na patuloy ang dayalogo ng Kamara sa Bureau of Treasury, na siyang dapat maglabas ng certification na magtitiyak na magkakaroon ng pondo para sa Bayanihan 3.
Bukod dito, walang tigil din aniya ang pakikipag-usap ng Kamara sa mga opisyal ng Department of Finance at Department of Budget and Management.
Nauna nang sinabi ni Garin na maaari namang makakuha ng certification, bago mai-akyat kay Pang. Rodrigo Duterte ang Bayanihan 3.