Kahit kulang ng isang constitutional requirement, inaprubahan ng House Committee on Appropriations ngayong araw ang P405.6-billion Bayanihan To Arise As One bill (Bayanihan 3).
Inaprubahan kasi ng komite ang naturang panukalang batas kahit pa walang Certificate of Availability of Funds (CAF) mula sa Bureau of Treasury (BTr).
Sa pagdinig, sinabi ng BTr na sapat naman kasi anila ang sobra sa kita at revenue sources para mapondohan ang mga proyekto ng pamahalaan.
Maging ang vice chairman ng komite na si Davao De Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga ay nagsabi rin na hindi naman kailangan kaagad ang CAF mula sa BTr.
Hindi kasi aniya malinaw sa Saligang Batas sa kung anong stage dapat magbigay ng CAF ang BTR patungkol sa availability ng pondo.
Ang mahalaga aniya na pagdating sa huli ay makakapagbigay ng CAF ng BTr.
Sa ilalim ng Article 6, Section 25 ng 1987 Constitution, nakasaad na dapat ay tukoy sa special appropriations bill ang purpose nito, na dapat ay mayroong certification ng National Treasurer hinggil sa available na pondo.
Ang Bayanihan 3, na naglalaman ng tinaguriang lifeline measures, ay hahatiin sa tatlong phases.
Ang Phase 1 ay paglalaanan ng P167 billion, habang ang Phase 2 naman ay P196 billion, at P42 billion pagdating sa Phase 3.
Ayon sa mg akongresista, maaring pondohan ng pamahalaan ang Phase 1, habang ang dalawang natitirang phases ay maaring kunin sa bago pang revenue sources.