-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isinailalim na rin sa state of calamity ang Roxas sa Isabela dahil sa dengue outbreak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Jonathan Jose Calderon ng Roxas na mula noong Enero hanggang Agosto 3 ngayong taon ay umabot na sa 135 na kaso ng dengue sa kanilang lugar.

Apat dito ang kumpirmadong namatay na karamihan ay mga bata.

Sinabi niya na ang normal threshold ay walong kaso ng dengue sa loob ng isang linggo, ngunit umabot ng 12 kaya nagpasya silang ilagay sa state of calamity ang kanilang bayan.

Ayon kay Mayor Calderon, sa 26 na barangay ng Roxas ay nagtala ang mga barangay ng Sotero Nuesa at Muñoz ng pinakamaraming kaso at isinailalim na ang mga ito sa fogging operation.

Sinabi naman ni Vice Mayor Nick Sebastian na layunin ng pagdeklara nila ng state of calamity na makagawa ng paraan ang alkalde para mapigilan ang pagdami pa ng kaso ng dengue sa kanilang bayan.

Ito ay upang magamit din ang 30% ng kanilang local disaster risk reduction and management fund na pambili ng mga insecticides at ilang kagamitan sa pagpuksa ng mga lamok na carrier ng dengue.

Nagpadala na ang dengue team ang provincial government sa kanilang bayan upang makatulong sa pagsugpo ng dengue.