-- Advertisements --
Hindi minaliit ng PBA ang natanggap na pagbabanta sa ilang manlalaro ng Magnolia Hotshots.
Matapos kasi ang kanilang pagkatalo laban sa NLEX 107-99 ay nakatanggap ng pagbabanta sa kanilang social media sina William Navarro, Paul Lee at Ian Sangalang.
Nakasaad sa dummy account na may mangyayari sa pamilya ng nabanggit na manlalaro dahil sa pinatalo nila ang laro.
Nakapusta umano ng malaki ang nasabing nagbanta sa Hotshots at ito ay natalo.
Dahil dito ay naging mahigpit ang pag-alalay ng mga security sa nasabing manlalaro habang sila ay papalabas sa Ninoy Aquino Stadium nitong gabi ng Biyernes.
Isinangguni na ng koponan ang pagbabanta sa pamunuan ng PBA at sa mga otoridad.