Kinondena ng Bayan Muna partylist ang ginawang pag-aresto sa pitong human rights defenders kasabay na rin ng paggunita ng buong mundo sa International Human Rights Day kahapon.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, nais umano ng Philippine National Police (PNP) na daanin sa pag-aresto ang ginagawa nitong crackdown sa mga armas/
Base kasi sa reports mula Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), pitong indibidwal ang inaresto sa iba’t ibang operasyon sa Quezon City, Manila at Mandaluyong City.
Isa sa mga dinampot ay ang mamamahayag na si Lady Ann Salem.
Bwelta ni Zarate, ganito raw ang paraan ng administrasyong Duterte para gunitain ang Human Rights Day, sa pamamagitan ng paglabag pa sa karapatang pantao at arestuhin ang mga indibidwal na ipinaglalaban ito.
Kinilala rin ang iba pang inaresto na sina Dennise Velasco, Mark Ryan Cruz, Romina Astudillo, Jaymie Gregorio Jr., Rodrigo Esparago at Joel Demate na kapwa trade unionists.
Dapat aniya na pakawalan sa lalong madaling panahon ang mga suspeks.
Paliwanag naman ng CIDG, naglabas na sila ng limang search warrants bilang parte ng kanilang mas pinaigting pa na kampanya laban sa loose firearms, dakong alas-2:00 ng madaling araw.