Magkakasa ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ng protesta sa labas ng Senado ngayong Miyerkules, Hunyo 11.
Ito ay bilang pagpapakita umano ng kanilang lubos na pagkagalit matapos pumabor ang 18 Senator-judges habang 5 lamang ang tumutol na ibalik ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara de Representantes para linawin ang ilang technical issues.
Sa inilabas na statement ng grupo nitong gabi ng Martes, nagpahayag ng pagkadismaya si Bayan President Renato Reyes Jr. sa naging desisyon ng Senado at tinawag na isang “shameless abdication” ito ng kanilang mandato sa Konstitusyon.
Aniya, makalipas ang pagdribol sa bola sa apat na buwan, ipinasa ng Senado ang bola pabalik sa Mababang Kapulungan, na hindi aniya katanggap-tanggap.
Muling pinili din umano ng mga nasa kapangyarihan na pairalin ang impunity at isantabi ang pananagutan.
Una rito sa mosyon na in-introduce ni Sen. Allan Cayetano, nakasaad na ang pagbalik sa impeachment complaint sa Kamara ay hindi nangangahulugan ng dismissal o termination ng kaso.
Subalit, iginiit ng Bayan na ang hakbang ng Senado ay nagpawalang saysay sa nakamit ng Mababang Kapulungan at taumbayan, na parang walang nangyaring impeachment na mas masahol pa umano sa dismissal.
Sa huli sinabi ng grupo na nararapat na mariing kondenahin ng taumbayan ang anila’y “spineless” at mahinang hakbang na pagbabalik ng articles of impeachment sa Kamara.