-- Advertisements --

Pinamamadali na ng mga senador ang pagbabayad sa mga driver sa ilalim ng service contracting program sa gitna ng pandemya.

Iginiit ni Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe na kailangang mahigpit ang koordinasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na siyang nagpapatupad ng programa sa bangko upang masigurong hindi naaantala ang pagbabayad sa mga driver.

Sa pagbubukas ng ekonomiya at pagpapaluwag ng mga restriction, ipinaalala ng mambabatas na mas kailangan ngayon ng mga mamamayan ang dagdag na mga bus, jeep at iba pang pampublikong transportasyon para sa kanilang pagbiyahe.

Binigyang-diin pa ni Poe na ang service contracting program ay dapat tumugon sa tumataas na pangangailangan ng pampublikong transportasyon sa gitna ng pagbubukas ng mas maraming negosyo at napipintong pagbabalik ng face-to-face classes sa ilang paaralan.

Upang maipagpatuloy ang programa, naglaan ng karagdagang P3-bilyong pondo sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA).

Sa pahayag noong Oktubre 25, sinabi ng LTFRB na naipamahagi na ang P2,289,506,007 mula Setyembre 13 hanggang Oktubre 23 sa ilalim ng Bayanihan 2 habang nasa P539,672,859 ang naibigay nila sa naturang panahon sa ilalim ng GAA.