Kinumpirma ng Western Mindanao Command (WestMinCom) na nabawi na ng mga government forces ang Bayabao Bridge na nasa Banggolo sa Marawi City.

Ayon kay WestMinCom Commander Lt. Gen.Carlito Galvez kahapon ng umaga lamang nabawi ng mga tauhan ng Philippine Marines ang Bayabao bridge mula sa kamay ng mga terorista.

Ang Bayabao bridge ang isa sa mga naging encounter site sa unang dalawang linggo na giyera sa pagitan ng teroristang Maute at militar.

Sinabi ni Galvez, bagamat nabawi na ng militar ang Bayabao bridge, tatlong sundalo naman ang nagbuwis ng buhay at 52  ang nasugatan.

Pagbibigay diin ni Galvez na ang pagkakabawi ng militar sa Bayabao bridge, indikasyon ito na malapit ng matapos ang giyera sa Marawi.

Kamakailan lamang, nabawi na rin ng militar ang Baloi bridge sa Mapandi na una nang naging vantage point ng mga teroristang Maute.