-- Advertisements --

Kinalampag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang Kongreso na kaagad na ipasa ang panukalang batas na aamiyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA).

Ito ay kasunod na rin nang pagkakatuklas sa pagpasok ng bilyong dolyar na cold cash sa Pilipinas.

Pinangangambahan kasi na baka malagay ang bansa sa “grey-list jurisdiction” at maari ring maisama sa black-list ng Financial Action Task Force, ayon kay AMLC executive director Atty. Mel Georgie Racela.

Ani Racela, sa oras na mapasama sa grey-list ang Pilipinas ay magkakaroon ng problema ang bansa gaya na lamang nang pagtaas sa halaga ng transaksyon sa mga foreign financial institutions.

Bukod dito, bababa rin aniya ang halaga ng remittance ng mga OFWs sa kanilang pamilya habang magkakaroon naman nang pagtaas sa cost ng negosyo pati na rin ang production cost.

Sinabi ni Racela na dapat isama sa amiyendang gagawin ang tax crimes pati na rin ang financing sa AMLA at isama ang para sa real estate anti-money laundering at counter-terrorism deficencies.

Kailangan na rin aniya sa ngayon na magkaroon nang mandato ang AMLC na mag-preserve assets na nasa ilalim ng mga freeze orders o asset preservation order o kaya naman ay kapangyarihan upang magpanatili ng forfeited assets.