Naglabas na ng Executive Order ang provincial government ng Batangas kaugnay ng “quarantine advisory” sa buong lalawigan, matapos makapagtala ng tatlong kaso ng nag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang probinsya.
Ayon kay Gov. Hermilando Mandanas, sakop ng nasabing advisory ang suspensyon ng pasok sa mga estudyante sa lahat ng antas ng parehong pribado at pampublikong paaralan hanggang April 14, 2020.
Kaakibat daw nito ang pagsisiguro ng local government units at pulisya na mananatili sa kanilang tahanan ang mga estudyante sa loob ng mga petsang suspendido ang pasok.
Pinagbabawal din muna ng gobernador ang mga mass gathering.
“Planned or spontaneous events where the number of people of attending could strain the planning and response resources of the community hosting the event shall be prohibited during the said period.”
Pinayuhan naman ng provincial government ang mga residente na panatilihin ang 1-meter radius na social distancing.
Sa transportasyon, nilinaw ni Hermilando na mananatiling operational ang biyahe ng mga sasakyan sa kalsada at dagat sa loob ng Batangas.
Kailangan lang daw sundin ang guidelines na inilabas ng Department of Transportation kaugnay ng social distancing.
“Transport of basic and lifeline commodities such as, but not limited, to food, medicines, medical supplies, gas, fuel, and the like, shall not be hampered. Further, movement of cargo to and from Batangas Province shall continue.”
May panuntunan din ang gobernador para sa mga tourist destinations, work arrangements ng mga empleyado at presyo ng mga bilihin.
Nilinaw ng provincial government na walang ipapatupad na community quarantine sa buong lalawigan.
Pero gaya ng probisyon sa inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na resolusyon ng Inter-Agency Task Force, ipinapasa-kamay na ng provincial government sa LGUs ang pagpapatupad ng community quarantine kapag may naitalang kaso ng sakit sa kanilang lugar.
“Cities and municipalities with confirmed cases of COVID-19 may impose community quarantine protocols in their respective jurisdictions, provided that all provisions stated in this EO are strictly implemented.”
Batay sa unang announcement ng provincial public information office, tatlong residente ng lalawigan ang positibo sa COVID-19.
Ang dalawa sa mga ito ay mula Batangas City, habang ang isa ay mula sa bayan ng Lemery.