-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa 12 na ang medal tally na nakuha ng delegasyon ng Lungsod ng Koronadal sa nagpapatuloy na Batang Pinoy 2019 sa Puerto Princesa City, Palawan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay City Sports Coordinator Jomari Javellana, pawang tig-apat na gold, silver at bronze medals ang nasungkit ng mga atleta sa naturang kompetisyon kahapon.

Kabilang aniya sa mga tumulong sa pagkuha nito ay sina John Carlo Loreno, Romie Jonathan Rioja, at Samantha Isabel Loreno sa larangan ng archery; Rene Boy Atam para sa boxing; at Justin Basadri para sa Olympic round.

Ipinagmamalaki rin nito ang magandang performance ng mga kabataan sa takbo ng palaro.

Samantala, inamin din ni Javellana na sobrang pagod na siya pero patuloy ang kaniyang pag-motivate sa mga atleta upang tumaas ang morale ng mga ito.

Nagpapasalamat rin ito sa suporta ng mga magulang ng mga bata na lumalahok sa iba’t-ibang sports events.

Batay sa latest medal standing kahapon, nangunguna ang delegasyon ng Baguio City na may 21 gold medals, pangalawa ang Cebu na may 16 gold medals, sinundan ng Quezon City na may 16 gold medals, pang-apat ang Davao, ikalima ang Pasig, habang pang-10 ang Makati City.

Nasa ika-27 puwesto naman sa kasalukuyan ang Koronadal City sa kompetisyon.