Pag-iisipan pa umano ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung anong COVID-19 vaccine ang bibilhin ng rehiyon upang ipamahagi sa kanilang mga residente.
Ito’y matapos ang kumpirmasyon mula sa BARMM na naglaan ito ng P500 million para sa bakuna.
Sinabi ni BARMM chief minister Ahod Al Haj Murad Ebrahim na hindi pa sila nakikipag-negosasyon sa anumang pharmaceutical company dahil kumakalap pa raw sila ng ideya mula sa national government kung anong brand ang dapat nilang bilhin.
Sa oras aniya na mabuo ang kanilang desisyon ay saka lamang sila bibili ng bakuna.
Umaasa rin si Ebrahim na nakahanda ang gobyerno na mag-abot ng tulong sa rehiyon kung sakaliong kailanganin nila ito.
Una nang sinabi ni BARMM Health Minister Dr. Amir Usman na kakailanganin pang sumailalim sa ibang fatwa o legal opinion ang bibilhing bakuna ng Bangsamoro alinsunod na rin sa Islamic Law.
Kailangan din umanong siguruhin ng pinuno ng BARMM na certified Hala ang bakuna na ipapamahagi sa buong rehiyon.
Sa ngayon ay nakapagtala na ang BARMM ng 3,036 kaso ng deadly virus, 73 namatay, 2,776 ang nakarekober na.