Naglayag ang warship ng Amerika sa pinag-aagawang karagatan para igiit ang freedom of navigation o kalayaan sa paglalayag sa lugar.
Ayon sa United States Navy ang Arleigh Burke-class guided-missile destroyer na USS Milius ay dumaan sa paligid ng Mischief Reef (Panganiban Reef) na bahagi ng Spratly Islands (Kalayaan Group of Islands).
Inihayag din ng US Navy na ang paglalayag ng USS Milius ay upang igiit ang mga karapatan at kalayaan sa paglalayag sa nasabing karagatan malapit sa Spratly Islands at naaayon ito sa international law.
Sa isang pahayag sinabi din ng US Navy 7th Fleet na ipinakita din ng USS Milius na ang Mischief Reef na isang low-tide elevation sa natural estate nito ay hindi karapat-dapat sa isang territorial sea sa ilalim ng international law.
Binatikos din ng US Navy ang mga paglabag sa batas na pag-aangkin sa karagatan.
Wala din aniyang miyembro ng international community ang dapat takutin o pilitin na isuko ang kanilang mga karapatan at kalayaan.
Ang naging hakbang ng US Navy ay kasunod ng military simulated precision attacks ng China laban sa key targets sa Taiwan.
Sa panig naman ng China, tinawag nitong illegal trespassing ang misyon ng USS Milius sa karagatan.
Sinabi ng People’s Liberation Army (PLA) Southern Theater Command ng China sa isang pahayag na nag-organisa ito ng mga hukbong pandagat at panghimpapawid upang subaybayan ang USS Milius.
Inihayag din ng Beijing na ang barkong pandigma ng US ay pumasok sa tubig ng Meiji Reef o Nansha islands ng China.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng freedom of navigation operation ang isang barkong pandigma ng US sa pinagaagawang karagatan.
Noong nakaraang buwan, ang parehong barkong pandigma ng US ay naglayag din sa karagatan ng Paracel Islands sa inaangking karagatan ng China na nag-udyok din ng matinding pagbatikos mula sa Beijing.
Paulit-ulit na sinabi ng China na ang mga pagkilos na ito ng US ay lumabag sa soberanya at seguridad ng kanilang bansa at labag sa international law.