-- Advertisements --

Malaking “breakthrough” umano ang naging resulta ng ballistic examination sa baril na ginamit ng gunman sa kaso ng pamamaslang kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, base sa resulta ng PNP Crime Lab, nagtugma ang mga narekober na empty shells sa licensed firearm na .40-caliber na pagmamay-ari ng sinasabing main gunman na si Henry Yuson.

Nasa 11 empty shells ng .40-caliber at limang slugs ang narekober ng mga pulis sa crime scene.

Nabatid na pagmamay-ari ni Yuson ang .40-caliber na ginamit sa pagpatay sa mambabatas noong Disyembre 22.

Base sa datos ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO), taong 2015 pa umano paso ang lisensiya ng baril ni Yuson.

Sa ngayon, hindi pa narerekober ang mga baril na umano’y itinapon matapos ang krimen.

Hinihintay na lamang din daw ng PNP ang extrajudicial statement ng dalawa pang suspek para maihain na sa Albay prosecutor’s office ang kaso.

Kasabay nito, hinahanda na umano ng pulisya ang pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo batay sa naging direktiba ni Interior Sec. Eduardo Año.