Naniniwala si Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na ang pagpasa ng mga batas upang matugunan ang limitasyong nakasaad sa Konstitusyon ay isa umanong pag-amin na mayroong dapat na ayusin sa 1987 Constitution upang makatugon ito sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa.
Suportado ni Barbers ang panawagan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na talakayin ang economic amendments sa susunod na taon at repasuhin ang mga probisyon ng Konstitusyon para mas maibenta ng Pangulo ang bansa sa mga dayuhang mamumuhunan na magpapabilis sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Ipinunto ni Barbers na ang pag-amin ng mga gumawa ng Konstitusyon na wala silang konkretong basehan kung bakit nilagyan ng cap na tatlong termino ang mga kongresista ay sapat ng rason para muli itong pag-aralan.