CENTRAL MINDANAO – Personal na alitan ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa pamamaril patay sa isang opisyal ng barangay sa probinsiya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Freddie Balansiawan, barangay kagawad ng Brgy Cuyapon, Kabacan, North Cotabato.

Ayon kay Kabacan chief of police, Major Realan Mamon na lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo sa Barangay Lower Paatan sa bayan ng Kabacan nang ito ay biglang pagbabarilin ng apat na mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa Kabacan Cotabato.

Patay on the spot ang biktima nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

May mga tao nang pinagdudahan ang pamilya ng biktima na posibling may kinalaman sa pagpaslang sa biktima na patuloy ngayong iniimbestigahan ng pulisya sa Kabacan, Cotabato.