Hindi maaaring gamitin ng mga local chief executives ang pondo o budget mula sa Barangay Development Project (DBP) para sa nalalapit na 2022 national elections.
Ito ang binigyang linaw ni NTF ELCAC Barangay Development Project Director Monico Batle.
Ito’y matapos nagbabala si Senate minority leader Franklin Drilon at Makabayan bloc, na ang NTF-ELCAC’s proposed PHP40 billion budget para sa 2022 ay maaaring gamitin bilang “election giveaway.”
Paliwanag ni Batle,malabong magamit sa halalan ang nasabing pondo dahil mahigpit ang alituntunin sa pamahalaan tulad ng Republic Act 9184 or the Government Procurement Reform Act.
Sinabi ni Batle may rules at monitoring system sa lokal level at maging sa national level na pinangungunahan ng DILG at maari namang suriin ng kahit na sino ang mga proyekto na itinatayo sa mga Barangay na na-clear na sa presensya ng mga terroristang komunista.
Kaya nga aniya na-dedelay ang ilang mga proyekto dahil sa sobrang strikto ng mga alituntunin, at nag-iingat din ang mga local chief executives sa pag-gastos ng Pondo.
Hinamon naman ni DILG Assistant Director Rene Valera ng Office of Projects and Development Services – Project Monitoring Office, ang mga kritiko ng BDP na pumunta mismo sa mga liblib na Barangay na benipisyaryo ng BDP at inspeksyunin ang mga proyekto.
Sa 822 barangay na benipisyaryo ng BDP sa taong ito, 814 barangays ang nakatanggap na ng kabuuang P16.28 billion o 99 na porsyento ng budget na nakalaan sa BDP.
Ang bawat barangay na diniklarang insurgency free ay makakatanggap ng tig P20 million budget.
Kabilang sa 2,271 projects para sa mga komunidad ay ang 926 contruction ng farm-to-market roads, classrooms, water and sanitation systems, health stations, at livelihood projects.