-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kinumpirma ng mga otoridad sa Sinait, Ilocos Sur na isang barangay chairman sa nasabing bayan ang supplier ng iligal na droga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, kinilala ni Police Captain Bryan Tacazon, hepe ng Sinait municipal police station, ang nasabing barangay chairman na si Michael Ancheta, 42-anyos na residente ng Barangay Pug-os, Sinait.

Ayon kay Tacazon, si Ancheta umano ang itinuro ng ilang mga drug personality na nahuli sa mga anti-illegal drug operation na naisagawa sa bayan ng Cabugao at Sinait.

Aniya, dumaan umano sa masusing validation ang mga nasabing impormasyon na kanilang nakalap kaya kumuha sila ng search warrant sa korte upang mahalughog ang bahay ni Ancheta kasama na ng tatlo pang drug personality sa nasabing barangay.

Nagpositibo ang operasyon na isinagawa ng Sinait PNP kasama na ang iba pang law enforcement agency noong September 19.

Nakuha sa bahay ng barangay chairman ang maraming sachet ng iligal na droga at ng tatlo pang kasamahan nito.

Idinagdag pa ni Tacazon na naisailalim na sa “Oplan Tokhang” ang nasabing barangay chairman ngunit hindi ito sumuko.