CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyan nang sinampahan ng kasong murder ang lima na nagsilbing respondents na kinabilangan ni Lapasan Baptist Church Bishop Dimver Andales na dating overseer ng City Social Welfare Development ng gobyernong lokal ng Cagayan de Oro.
Nag-ugat ang murder case sa matiyaga na ginawang case build up ng assisting government prosecutor at mga imbestigador ng Cagayan de Oro City Police Office patungkol sa pagkabaril-patay sa 23 anyos na Mr. Cagayan de Oro candidate na si Adrian Rovic Fornillos na ka-barangay ni Andales habang bumisita sa Barangay Nazareth ng lungsod.
Sa pagharap ni Regional State Prosecutor Merlynn Uy sa local media,inihayag nito na malakas ang hawak nila na mga ebedensiya upang madiin ang murder case respondents sa oras na magkaharap ang dalawang panig sa korte.
Sinabi ni Uy na hangga’t walang matibay na ebedensiya na mahahain ang panig ni Andales ay malaki ang tsansa na maiakyat nila sa korte ang Fornillos murder case at mapapatawan ng guilty verdict.
Una nang pinairal ng Department of Justice ang ‘reasonable certainty of conviction’ sa lahat ng ‘heinous crimes’ kaya obligado na magsagawa ang pulisya ng case build up.
Samantala,iginagalak naman sa legal team ng pastor ang subpoena para makapagbigay sila ng mga kasagutan laban sa akusasyon.
Sinabi rin sa Bombo Radyo ni Atty. Rhobert Maestre na maging sila ay naghahangad rin ng hustisya para sa kanilang kliyente na malisyosong inaakusahan na ‘sugar daddy’ umano sa nobya ni Fornillos kaya nangyari ang kremin noong Mayo 9 nitong taon.