Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na puganteng banyaga na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa serious crimes sa kanilang bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang apat na illegal aliens ay nakatakda nang pauwiin sa kani-kanilang mga bansa at ipa-blacklist na ito sa Pilipinas para hindi na muling makapasok pa.
Ang naturang mga banyaga ay naaresto ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng Bureau of Immigration sa Pampanga, Catanduanes at Metro Manila.
Kabilang dito ang dalawang Korean, American at Dutch national na lahat ay nakaditine na sa detention facility ng Immigration bureau sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportation proceedings.
Ang Korean national na si Kim Won, 34-anyos ay subject ng arrest warrant mula sa Dongbu district court sa Seoul dahil umano sa telecommunications fraud.
Ang isang Korean naman na naaresto sa kanyang condominium unit sa Taguig City ay si Kim Girok, 29-anyos ay inisyuhan ng arrest warrant ng Daegu district court dahil sa pagpapatakbo ng prostitution racket at human trafficking scheme sa pamamagitan ng Internet.
Ang Dutch national namang si Jan Cornelis Stuurman, 71-year-old na suspected pedophile ay naaresto sa Virac, Catanduanes.
Suspek ito sa pag-exploit sa umano’y tatlong menor de edad na mga Pinoy.
Nahuli naman ang isa pang pugante at American na si Steven Vernon Cross, 51-anyos na may kinahaharap na kaso sa US District Court for Eastern Virginia.
Sangkot naman ito sa wire fraud at money laundering.
Si Cross ay isa ring convicted sex offender na nasintensiyahan ng isang taong pagkakakulong sa Kent County, Michigan dahil sa sexual assault sa mga bata.
Bahagi ang apat na banyaga sa 130 foreign fugitives na naaresto ng FSU mula Enero hanggang noong nakaraang buwan.