-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN — “Maraming bigas sa mga palengke ngunit nananatiling mahal ang presyo nito.”

Ito ang idiniin ni Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo kaugnay sa naging pagtitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang ambush interview may sapat na suplay ng bigas sa bansa sa kabila ng nararanasang El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na dahil sa nararanasang labis na init ng panahon ay hindi maiiwasan ang malawak na epekto nito sa lokal na produksyon ng bigas, kung saan ay umaabot na sa bilyun-bilyong halaga ang naitatalang danyos sa maraming mga sakahan sa bansa.

Kaya naman ang binabanggit ni Pangulong Marcos na sapat na suplay ng bigas ay mula sa mga nakaraang importasyon na siya namang pumupuno sa malaking danyos na nawala sa pangangailangan sa nasabing produktong pang-agrikultura.

Aniya na hindi na lamang kasi iisang lugar o probinsiya, subalit ilang mga rehiyon na ang labis na naaapektuhan ng nagpapatuloy na pag-iral ng El Niño.

Maliban dito ay marami na rin ang mga lokal na pamahalaan na nagdeklara na ng State of Calamity hindi lamang dahil sa simpleng init kundi talagang nakapagtatala na ng mga pagkasunog sa mga bukirin.

Kumbinsido pa ito na ang lawak ng pinsala ng matinding init ng panahon ay bunsod ng kapabayaan ng gobyerno at ang pagsasantabi nitong bilisan ang paggawa ng irrigation system na malaki namang dagok para sa mga magsasaka lalo ngayong umiiral pa rin ang El Niño.

Samantala, hinihimok naman nito ang publiko na gawing prayoridad ang pagpapalakas sa lokal na produksyon ng palay at bigas paa sa mga mamamayang Pilipino at hindi umasa ng lubos sa importasyon na wala namang naitutulong sa pagpapababa sa presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Gayon na rin aniya sa paglalaan ng pondo para sa kagamitan at iba pang mga tulong na maaarin ibigay sa mga magsasaka lalo na sa mga kahalintulad na sitwasyon ngayong El Niño phenomenon.