Reading Time: 1 minute

GENERAL SANTOS CITY – Inamin ng bagong abogada na si Brent Louie Calisar na taga Koronadal City ngunit sa Mindanao State University, General Santos City College of Law nag-aral na hindi pa rin “nagsi-sink” sa kanya na pumasa siya 2018 bar exams.

Sa panayam ng Bombo Radyo General Santos, inihayag nito na nagtatrabaho siya sa umaga sa isang bangko sa lungsod habang sa gabi naman ay nag-aaral.

Aniya, maliban sa pera, malaking hamon sa kanya ang pagod at puyat sa pagbabasa ang sangkaterbang libro sa kanyang review.

Subalit ayon kay Atty. Calisar, tanging ang Panginoon ang ginawa nitong sandigan.

Dagdag nito, walang formula upang pumasa kundi ang tanging susi sa tagumpay ay ang ibayong pagsisikap at pagsasakripisyo sa lahat ng bagay.

Labis naman ang pasasalamat ni Atty. Calisar sa kanyang mga magulang lalong-lalo na sa kanyang ama na nagtatatalon sa tuwa ng malamang napabilang ang pangalan niya sa mga pumusa sa 2018 bar exams.