CAUAYAN CITY – Isang bank employee ang nabiktima ng pambubudol sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng biktima na itinago sa pangalang Steve, 43-anyos, bank employee at residente ng Roxas, Isabela na kahapon ng umaga ay dumaan siya sa isang bypass road at habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo ay may pumara sa kanya na lulan ng isang puting van.
Huminto siya para alamin kung bakit siya pinara ngunit inalukan siya ng mga libreng sabon panlaba.
Hindi naman niya ito tinanggihan dahil libre.
Matapos ibigay ang mga sabon ay hinanapan siya ng ID at nang makita ang kanyang apilyedo ay sinabi ng pinaghihinalaan na magkamag-anak sila at tinawag na siyang pinsan.
Nang malapit ng matapos ang kanilang usapan ay nagulat na lamang ang biktima dahil bigla siyang hiningian ng P398 para umano maregular sila sa kanilang trabaho.
Umatras siya ngunit bigla rin siyang naawa kaya ibinigay na lamang niya ang natitira niyang pera na P330.
Aniya, hindi lamang siya ang nabiktima dahil marami rin ang pinara ng mga pinaghihinalaan na nag-aalok ng libreng sabon.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan niyang mabiktima ng pambubudol dahil kung susumahin ay mahigit isang daang piso lamang ang halaga ng ibinigay sa kanya na libreng sabon subalit mahigit tatlong daang piso ang kanyang naibigay sa mga pinaghihinalaan.