-- Advertisements --

Nakauwi na sa Israel ang bangkay ng pinakamatandang bihag ng Hamas. Isa ito sa dalawang bangkay na isinauli sa Israel noong Martes, Oktubre 21.

Kinilala ng Israel Defense Forces (IDF) ang mga bangkay bilang sina Arye Zalmanovich at Tamir Adar.

Si Zalmanovich, 85 taong gulang, ay ginawang bihag at pinatay ng mga terorista sa kanyang bahay sa Kibbutz Nir Oz noong Nobyembre 17, 2023. Samantalang si Tamir Adar naman ay nasawi sa edad na 38 habang nakikipaglaban sa mga terorista.

Kaugnay nito, sina Zalmanovich at Adar na ang ika-14 at ika-15 bangkay ng mga bihag na naibalik sa Israel mula nang maisakatuparan ang ceasefire deal na pinangunahan ni US President Donald Trump.

Samantala, inaasahang aabot sa 28 ang kabuuang bilang ng mga bangkay na dapat ibalik sa Israel. Gayunman, ayon sa Hamas, mahirap umanong marekober ang iba pa dahil sa matinding pinsala sa mga gusali at kakulangan sa kagamitan.