ROXAS CITY – Nakalagak na sa Barangay Milibili, Roxas City ang bangkay ng military nurse na napatay sa saksak sa lungsod ng Makati kamakailan.

Ayon sa ama ni 2Lt. Jennett Aguilar na si retired Col. Bennett Aguilar, kahapon nang dumating ang bangkay ng anak sa Roxas City airport.

Sa ngayon ay wala pang plano kung saan ililibing ang bangkay ni Jennett.

Samantala, sa kabila ng paghingi ng patawad at pagkakadakip sa suspek na si John Louie Brosas, 19, ng Barangay Comembo, Makati, nais ng pamilya Aguilar na mabulok ito sa kulungan upang pagbayaran ang ginawa nitong krimen.

Matatandaang sinaksak ng dalawang beses ng suspek ang biktima sa dibdib matapos inagaw nito ang cellphone ni Aguilar habang nag-aabang ng masasakyan noong Nobyembre 14.

Nabatid na binibigyan pa ng pagkain at pera ng biktima ang suspek dahil magkakilala umano ang dalawa dahil nagtatrabaho bilang construction worker malapit sa bahay ng pinatay na si Aguilar si Brosas.