NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa Brgy. Neighborhood, Bato, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Jose Cuya ng nasabing barangay, sinabi nitong pasado alas-6:00 ng umaga kahapon ng puntahan siya ng isa sa kagawad sa kanilang lugar upang sabihin ang natagpuang bangkay sa boundary ng San Roque at Neighborhood ng nasabing bayan.

Ayon pa kay Cuya, matikas ang katawan ng lalaki na nasa kanyang mid 30’s na naka-stripes ng damit at maong na pantalon.

Aniya, agad naman silang tumawag sa mga otoridad at doon napag-alaman na meron itong apat na tama ng ice pick sa kanang bahagi ng dibdib.

Pinaniniwalaan ding itinapon lamang sa nasabing lugar ang lalaki upang mailigaw ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang pangyayari.