ILOILO CITY- Nagkakagulo ngayon ang pamilya ng Ilonggo na sundalo na namatay sa engkwentro sa pagitan ng 94th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga rebelde sa Sitio Kabugtong Batanggay Bantolinao, Manjuyod Negros Oriental.
Ito ay matapos ipinagkait ng misis ni Corporal Leoter Cagape ang bangkay nito sa kanyang pamilya sa Sitio Bacolod Barangay Tacuyong Norte, Leon, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lilybeth Cagape, kapatid ng sundalo, sinabi nito na pumunta sila ng kanyang ama sa lugar ng misis ni Cpl. Cagape na si Hannah Cagape sa Tubuso, Negros Oriental upang hilingin na dalhin pauwi ang bangkay ng napaslang na sundalo upang makita ng kanilang ina na may sakit.
Ayon kay Lilibeth, maraming dahilan ang misis ng kanyang kapatid at nagmamatigas ito na dalhin pauwi sa Iloilo ang bangkay ng sundalo kahit na sila ang magbabayad sa transporation fee at pagpapalibing nito.
Ang mas ikinalungkot pa ng pamilya ng sundalo at tila pinababayaan lang ang lamay nito kung saan hindi man lang tinirikan ng kandila at pinagdasal.
Dagdag pa nito, inilihim rin ng misis ng sundalo sa pamilya nito sa Iloilo ang petsa ng kanyang libing.
Isa rin sa mga tinitingnang anggulo ng pamilya ay ang takot ng misis ng sundalo na hindi mapunta sa kanya ang claims ng kanyang namayapang mister.