-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Natagpuan na kahapon ang bangkay ng 8-anyos na batang nalunod sa Ganano River sa Sta Maria, Alicia, Isabela.

Matatandaan na noong araw ng Miyerkules Santo ay nalunod ang bata kasama ang ama na si Norman Balinang, 42-anyos at kapatid na 16-anyos, pawang residente ng Quezon City.

Unang natagpuan ang katawan ni Norman at anak na binatilyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Jaime Narne ng Sta Maria, Angadanan, Isabela sinabi niya na nakita kahapon ng tanghali ng mga rescue team ang palutang-lutang na bangkay ng bata sa ilog.

Samantala, ipinag-utos na ni Barangay Kapitan Narne sa mga barangay Tanod na higpitan ang pagbabantay sa ilog Ganano at pagbawalan ang mga mamamayan na magtungo sa ilog para mag-picnic at mag-inuman.

Inihayag naman ni Muincipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Bryan Mayoralgo ng Alicia, Isabela na mahigpit nilang babantayan ang ilog Ganano upang mapigilan ang pagligo at pagpicnic ng mga mamamayan sa nabanggit na lugar.

Kinausap na rin niya si Punong Barangay Narne na pagbawalan na ang mga mamamayan na maligo at magpicnic sa nasabing ilog.

Payo niya sa publiko na kapag may nakitang nalulunod ay huwag lumangoy para tumulong lalo na kapag hindi marunong lumangoy.

Ang unang gawin ay tumawag ng tulong o magbato ng mga bagay na maaring kapitan ng nalulunod.