Umapela si Errol Musk, ama ni Elon Musk, na itigil na ang sigalot sa pagitan ng kanyang anak at ni US President Donald Trump, matapos ang ilang buwang tensyon na nauwi sa palitan ng pag-insulto sa social media.
Matatandaan na nag-ugat ang hidwaan nang tawagin ni Elon Musk na isang “disgusting abomination” ang tax at spending bill ni Trump. Bilang tugon, sinabi ni Trump na tapos na ang kanilang relasyon at may “serious consequences” kung susuportahan ni Musk ang mga Democrat sa halalan.
Ayon kay Errol Musk sa isang panayam ng Reuters sa isang conservative conference sa Moscow, “They’ve had five months of intense stress… now they are trying to get rid of each other—well that has to stop.”
Nanindigan si Errol sa kanyang anak ngunit inamin din na, “You cannot always stick to your principles in the real world. Sometimes you have to give and take.”
Dagdag pa niya, matatapos din ang sigalot “on a good note —very soon.”
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang White House hinggil sa panawagan ng ama ni Elon Musk.
Magugunita na si Elon Musk ay pangunahing donor ng naging kampanya ni Trump noong 2024 presidential elections.