Kampante ang Kagawaran ng Pagsasaka na makakatugon sa lumalalang problema sa Climate Change ang nabuo nitong programa na pagtatanim ng mga kawayan.
Ayon sa bagong Undersecretary ng kagawaran na si USEC Deogracias Victor Savellano, papasukin ng pamahalaan ang isang flagship program na ‘bamboo village’.
Sa ilalim nito, kukunin ang tulong ng mga katutubo upang sila ang magtanim at mag-alaga sa mga pananim na kawayan. Mabibigyan sila ng mga binhi ng itatanim na kawayan, kasama na ang lugar na kanilang mapagtatamnan, at tutulungan ng pamahalaan upang mapangalagaan ito.
Maliban sa makakatulong ito upang maprotektahan ang kapaligiran, naniniwala si Usec Savellano na malaking industriya ang kawayan, kapag napangalagaan ito ng mga katutubo.
Mabibigyan aniya ng pagkakataon ang mga katutubo na maging bahagi ng bamboo industry na ang projection ng mga eksperto ay maaaring aabot sa $90billion pagsapit ng 2030.
Ang nasabing programa aniya ay isa sa mga pangunahing programa na nabuo ng marcos Administration, kasabay na rin ng pagnanais ng pangulo na matugunan ang Climate Change at matulungan ang mga mahihirap na sektor na mapalago ang kanilang kabuhayan.