-- Advertisements --

All-set na ang entablado para sa pinakamalaking “Exercise Balikatan” sa pagitan ng mga militar ng Pilipinas at Estados Unidos na magsisimula bukas, Abril 11.

Ang opening ceremony ng 38th iteration ng taunang war games ay nakatakda sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Ang kaganapan sa taong ito ay bubuuin ng 17,600 tauhan ng militar: 5,400 mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at 12,200 mula sa United States Armed Forces.

Magkakaroon din ng hindi bababa sa 111 tauhan mula sa Australian Defense Force na magiging aktibong kalahok habang ang Japan Self-Defence Forces ay magpapakalat ng mga observers.

Ayon kay Col. Michael Logico, tagapagsalita ng Balikatan 2023, ito ay ang opisyal na pinakamalaking ehersisyo sa Balikatan military drills.

Aniya, ang bilang ng mga kalahok ngayong taon ay mas malaki kaysa sa 8,900 na sumali noong nakaraang taon.

Ang Balikatan, isang terminong Filipino na nangangahulugang “shoulder to shoulder” upang makilala ang diwa ng ehersisyo at kumakatawan sa alyansa ng Pilipinas at US, ay gaganapin hanggang Abril 28 sa iba’t ibang lugar sa Zambales, Casiguran, Aurora, Antique, Palawan, at Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.