Inamin ng Department of Finance (DOF) na wala pa silang nakokompletong proposal para sa isinusulong na karagdagang buwis sa maaalat na pagkain at matatamis na klase ng inumin.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, tuloy-tuiloy ang kanilang konsultasyon sa iba pang stakeholders at mga eksperto sa kalusugan.
Aniya, pinag-aaralan nilang mabuti ang naturang batas, kung makatutulong ba ito sa publiko para makaiwas sa mga sakit.
Lumalabas kasi sa mga pag-aaral na malaking bilang ng mga Pilipino ang may sakit na diabetes, meron ding mga bata pa ngunit may sakit na sa bato.
Dahil dito, paliwanag ni Diokno na layunin ng DOF na makatulong sa aspetong pangkalusugan, ngunit ang maaapektuhan sa naturang panukala ang mga ilang mga kompaniya ng softdrinks at junk foods.
Pero nauunawaan umano nila ang samu’t-saring reaksyon dahil ganito rin ang inani nilang puna noong isinulong ang sin tax law sa ating bansa.