Mananatiling libre ang mga bakuna kontra COVID-19 subalit tanging sa mahihirap na lamang kapag tinanggal na ang public health emergency sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa hindi na bibili pa ang pamahalaan para sa lahat ng populasyon.
Kayat napakahalaga aniya ng Certificate of Product Registration (CPR) upang ang mga nasa pribadong sektor na kayang bumili ng mga bakuna ang siyang magbabayad at ang buwis ay gagamitin naman para sa pagbili ng bakuna ng mga taong hindi makakabili.
Matatandaan na noong Lunes, inanunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA) na binigyan na ng CPR ang Comirnaty Bivalent COVID-19 Vaccine ng Pfizer bilang booster dose para sa mga edad 12 anyos pataas.
Umaasa naman ang kalihim na mangyayari sa lalong madaling panahon ang importasyon ng naturang bakuna.
Inaasahan din ni Herbosa na magkakaroon ng cold chain facilities na paglalagyan ng naturang bakuna ang mga pribadong sektor dahil hindi aniya maaaring ilagay lamang ang mga ito sa ordinaryong drug store.
Patuloy naman ang pakikipag-negosasyon ng bansa sa COVAX facility para sa karagdagang 2 million doses ng bivalent vaccines.