-- Advertisements --

Binabantayan ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) ang bagong nakakahawang sakit sa mga tupa at kambing sa Southeast Asia.

Ang naturang sakit, na kilala sa pangalang ”Peste des Petits Ruminants” (PPR), ay isang nakakahawang sakit na umaatake sa mga kambing at tupa at nagdudulot ng mga sintomas tulad ng lagnat, sipon, pagsusugat sa bibig, pulmonya, at matinding pagdudumi.

Nagdudulot ito ng mataas na bilang ng pagkamatay o high mortality.

Giit ng ahensiya, bagamat nananatiling ligtas ang Pilipinas mula sa naturang sakit, kailangan pa rin ang mas mahigpit na pag-iingat para hindi ito makapasok sa bansa.

Kabilang sa mga inirereomenda ng naturang opisina ay ang mahigpit na biosecurity sa mga farm gaya ng pag-i-isolate sa mga bagong dating na hayop, paglilimita ng mga bisita, at pagpapanatili ng kalinisan sa kulungan.

Pinapayuhan din ng ahensiya ang mga farm owner na regular na mag-disinfect sa mga kagamitan at sasakyan na ginagamit sa mga farm.

Pagtitiyak ng BAI, patuloy ang mahigpit nitong pagbabantay sa tulong ng World Organisation for Animal Health (WOAH), pangunahin na dito ang mga hayop tulad ng mga kambing na dinadala sa Pilipinas mula sa ibang bansa.

Nais ng naturang opisina na mapanatiling ligtas ang bansa mula sa kumakalat na sakit.