LEGAZPI CITY – Pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad ang tatlong hindi pa nakikilalang suspek na sinasabing nasa likod ng pagpapaputok ng baril sa bahay ng isang barangay official sa Brgy. Divisoria, Cataingan, Masbate.

Agad na ipinagbigay-alam ni Punong Barangay Junrey Alcaraz, 38-anyos sa mga otoridad ang nangyaring pagpapaputok ng baril sa kanilang tahanan.

Nabatid na nag-aalmusal ang biktima kasama ang dalawang barangay tanod na kinilalang sina Eduard Legaspi, 22 at Remar Pasaylo, 23 nang lumabas ang tatlong suspek at nagpaputok malapit sa kiosk.

Ipinagpapasalamat naman ng pamilya na walang nasaktan sa naturang insidente.

Sa pagsusuri ng mga otoridad, narekober ang dalawang cartridge cases, apat na slug ng caliber .9mm na baril, dalawang cartridge cases para sa caliber .45, isang deformed slug sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril at isang bala para sa caliber 5.56mm.

-- Advertisement --

Sa ngayon, naghahanap na rin ang mga otoridad ng iba pang posibleng saksi sa mga insidente na makakapagturo ng mga salarin.