DAVAO CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sta. Maria Police Station sa pagmasaker sa mag-asawa dakong alas-10:00 kagabi.

Napag-alaman ng Bombo Radyo Davao mula kay Kagawad Aida Katus ng Barangay San Antonio, Sta. Maria, Davao Occidental, na may dalawang sasakyan na kulay puti at itim ang dumating sa kanilang lugar na may sakay na mga armadong tao na nakasuot ng bonnet.

Dito na pinaulanan ng bala ang bahay ng mga biktima na sila Bobby Mangayao, dating barangay kagawad noong 2007 hanggang 2010, at misis na si Vilma Mangayao.

Si Bobby ay negosyante ng abacca fiber at kasapi ng Cacao Planters ng Department of Agriculture.

Samantala, kinumpirma ng mga alagad ng batas na ang mga tama sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang ikinasawi ng mga biktima.

‘Di pa kilala ang mga suspek kaya hindi pa rin batid ang motibo ng pagmasaker sa mag-asawa.